Umabot na sa mahigit 10,000 family food packs (FFP) ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA sa mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Opong sa lalawigan ng Romblon.
Personal na pinangunahan ni DSWD MIMAROPA Regional Director Leonardo Reynoso ang ilan sa mga distribusyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad na maihatid ang tulong sa mga pamilyang sinalanta ng kalamidad.
Nakahanda na rin ang daan-daang karagdagang food packs sa isang warehouse sa bayan ng Romblon para sa pamamahagi sa mga apektadong lugar sa mga susunod na araw.
Batay sa pinakahuling datos ng Romblon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mahigit 17,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo, kung saan 1,940 ang tuluyang nawalan ng tirahan bunsod ng malalakas na hangin. Tinatayang aabot naman sa higit ₱133 milyon ang pinsala sa agrikultura sa buong probinsya.
Sa bayan ng Cajidiocan, iniulat ni Mayor Marvin Ramos na aktibo ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa kanilang isla. Nagpaabot din ng pasasalamat si Mayor Ronnie Samson ng San Jose matapos makarating sa kanilang bayan ang ayuda kung saan 94 na pamilya ang nakatanggap ng family food packs bilang bahagi ng agarang pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang distribusyon ng tulong sa mga darating na araw katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang masiguro na lahat ng apektadong pamilya sa Romblon ay mabibigyan ng kaukulang suporta.


































