Umabot sa P200,000 ang kabuuang halagang donasyon na tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon mula sa iba’t ibang indibidwal at negosyo upang makatulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Opong.
Ang nasabing halaga ay personal na ipinagkaloob ng Isiah Hospital founder at dating Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala, kasama ang kanyang maybahay.
Si Dimaala ang nanguna sa pagsasagawa ng isang online fund drive upang makalikom ng tulong mula sa mga negosyante at indibidwal na nagpaabot ng kanilang suporta para sa mga Romblomanong nasalanta ng bagyo.
“Bilang dating opisyal ng ating bayan, hindi tayo nakakalimot sa mga oras ng kalamidad, kagipitan, at pangangailangan ng ating mga kababayan. Lagi ko pa rin silang naaalala. Ako’y nananalangin para sa patuloy na kaligtasan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Dimaala sa isang panayam.
Layon ng kontribusyon na ito na madagdagan ang pondo ng pamahalaang panlalawigan para sa pagpapatuloy ng relief operations, lalo na sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan dahil sa matinding pinsala ng Bagyong Opong.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), libu-libong pamilya ang naapektuhan ng bagyo, kung saan mahigit 1,700 kabahayan ang tuluyang nawasak at higit 14,000 pa ang napinsala. Sa kabila ng lawak ng pinsala, patuloy na nagsasagawa ng relief at rehabilitation operations ang pamahalaan katuwang ang iba’t ibang ahensya, pribadong sektor, at mga volunteer.
Ang donasyon mula sa pribadong sektor ay inaasahang makatutulong upang mapabilis ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan, kabilang ang pagkain, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuees.


































