Naka-activate na ang Deployable Response Group (DRG) ng Coast Guard Station (CGS) Romblon, kabilang ang mga sub-stations at operating units nito, bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng Tropical Storm Ramil.
Ayon sa PCG Romblon, mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang PCG Romblon sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) sa buong lalawigan upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang sitwasyong dulot ng sama ng panahon.
Nakaantabay na rin ang lahat ng personnel, floating assets, at land-based units ng PCG para sa agarang search and rescue operations at iba pang weather-related emergencies bilang bahagi ng kanilang proactive preparedness measures.
Hinimok ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda at residente sa baybaying-dagat na iwasan muna ang pangingisda o paglalayag habang nananatiling masama ang panahon, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na ulat ng PAGASA para sa pinakahuling updates.
Samantala, sa pinakahuling ulat ng PAGASA, Tropical Wind Signal No. 2 ang itinaas sa ilang lugar sa bansa matapos lumakas ang bagyong Ramil bilang isang tropical storm.
Bandang alas-5 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 305 kilometro silangan ng Juban, Sorsogon, taglay ang hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong hanggang 80 kilometro kada oras, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Ayon sa forecast, magiging west-northwest ang direksyon ng bagyo patungo sa Central hanggang Southern Luzon. Inaasahan na tatama o dadaan malapit sa Catanduanes ngayong Sabado ng hapon o gabi, at magpapatuloy malapit sa Vinzons, Camarines Norte, at Polillo Islands sa Linggo ng umaga.
Pagkatapos nito, posibleng mag-landfall muli sa Aurora o Isabela sa Linggo ng umaga o hapon, bago tumawid sa kabundukan ng Northern at Central Luzon at lumabas ng West Philippine Sea pagsapit ng Linggo ng gabi.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ramil pagsapit ng Lunes ng umaga.
Discussion about this post