Arestado ang isang 40-anyos na lalaki sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos itong mabilhan umano ng ipinagbabawal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya kagabi, Oktubre 17, 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas “Jerry”, residente ng bayan ng Calatrava, Romblon.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office (RPPO), nabilhan umano ng isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer ang suspek ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa halagang ₱500.
Sa isinagawang pagkapkap, nakuha pa umano sa suspek ang ilang karagdagang sachet ng hinihinalang shabu. Tinatayang aabot sa 3.68 gramo ang kabuuang bigat ng mga nakuhang droga, na may tinatayang halagang ₱15,000 sa merkado.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya at ang suspek sa Romblon Provincial Crime Laboratory Office para sa kaukulang pagsusuri.
Sa kasalukuyan, nasa custody na ng Odiongan Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa kanya.
Discussion about this post