Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) MIMAROPA na tumaas sa 1.8% ang antas ng inflation sa rehiyon ngayong Setyembre 2025, kumpara sa 1.2% na naitala noong Agosto 2025.
Sa ginanap na Press Conference on September 2025 Inflation ng MIMAROPA Region, ipinaliwanag ni PSA MIMAROPA Regional Director Leni Rioflorido na ang pagbilis ng inflation ay dulot ng pagtaas ng presyo sa ilang pangunahing sektor, partikular sa housing, water, electricity, gas, food and non-alcoholic beverages, at transportasyon.
Sa 13 pangunahing kategorya ng produkto at serbisyo, pitong grupo ang nagtala ng pagtaas sa inflation rate — kabilang ang Food and Non-Alcoholic Beverages, Clothing and Footwear, Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels, Health, Recreation, Sport and Culture, Personal Care, Miscellaneous Goods and Services, at Transport.
Batay sa ulat ng PSA, Oriental Mindoro ang nakapagtala ng pinakamataas na inflation rate sa rehiyon sa 2.8%, sinundan ng Marinduque (2.2%) at Occidental Mindoro (1.8%). Bumaba naman ang inflation sa Puerto Princesa City (3.2%) at Romblon (-1.9%), habang nanatiling 0.9% ang inflation sa Palawan province kumpara sa nakaraang buwan.
Ayon sa PSA, patuloy na binabantayan ng ahensya ang galaw ng presyo ng mga bilihin sa rehiyon upang magamit ng mga policymaker sa pagbuo ng mga hakbang para mapanatiling matatag ang ekonomiya at maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
Discussion about this post