Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Calatrava, Romblon na dumaan sa tamang proseso ang pagtatayo ng sanitary landfill sa Barangay Balogo, taliwas sa mga isyung ibinabato laban sa proyekto.
Sa panayam ng Romblon News Network, sinabi ni Mayor Robert Fabella na mula sa barangay level hanggang sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento at pag-apruba ng plano mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay sinunod ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kaukulang hakbang.
Ayon kay Fabella, ilang lugar ang isinangguni ng LGU sa DENR para sa pagtatayuan ng landfill, ngunit ang Barangay Balogo lamang ang nakapasa sa kwalipikasyon ng ahensya dahil ito umano ang pinakamainam na lokasyon batay sa pagsusuri.
Matapos ang mahabang proseso, nakakuha na ang LGU ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa DENR, bilang patunay na maayos at sumusunod sa pamantayan ang plano ng lokal na pamahalaan para sa proyekto. Nakasaad din sa ECC ang long-term plan ng LGU para sa tamang paggamit at pamamahala ng landfill sa mga susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Fabella na obligasyon ng bawat bayan na magkaroon ng sariling sanitary landfill alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000, na nagbabawal na sa paggamit ng open dumpsite kagaya ng dating pasilidad ng bayan sa Barangay Linao.
Bagama’t may mga agam-agam mula sa ilan sa mga residente, tiniyak ng alkalde na mahigpit na ipatutupad ng lokal na pamahalaan ang mga patakaran sa waste management at regular na magsasagawa ng inspeksyon upang matiyak na ligtas at maayos ang operasyon ng pasilidad.
Discussion about this post