Naglabas si Governor Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic ng isang Executive Order na nagbabawal sa pagpasok ng mga baboy at lahat ng produkto nito sa lalawigan ng Romblon, matapos makumpirma ang isang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa munisipalidad ng San Andres.
Batay sa order na nilabas noong August 23, ipatutupad ang isang “temporary ban” sa pagpasok ng buhay na baboy kabilang ang wild pigs; sariwa at frozen na pork products; hindi pa nalutong pork products tulad ng longganisa, chorizo, tocino, siomai, at bacon; at portion semen at iba pang produkto ng baboy na posibleng magdala ng ASF virus.
Kasunod ito ng pagpasotibo sa virus ng isang baboy mula sa bayan ng San Andres.
Ang ASF ay isang lubhang nakakahawang sakit sa mga baboy at wala pa itong bakuna. Kumakalat ito sa pamamagitan ng direktang kontak at kontaminadong mga kagamitan.
Bilang tugon, magtatatag ng checkpoints ang Office of the Provincial Veterinarian, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Quarantine, at iba pang ahensya sa lahat ng major entry points upang masigurong walang makapasok na ipinagbabawal na produkto.
Mahigpit ding ipinapatupad ang “Bantay ASF sa Barangay” program, kung saan paiigtingin ang surveillance at bio-security measures sa komunidad.
Ang sinumang lalabag sa kautusan ay magkakaroon ng parusa na kumpiskasyon at pagtatapon ng mga produkto, maliban pa sa iba pang kaukulang parusa na nakasaad sa batas.
Ang Executive Order ay epektibo simula sa araw ng paglabas nito at mananatiling valid hanggang sa ito ay bawiin o amyendahan.



































