Pinag-aaralan ngayon ng Police Regional Office MIMAROPA ang posibilidad na maglagay ng High Speed Tactical Watercraft (HSTW) sa lalawigan ng Romblon upang mas mapalakas ang seguridad sa karagatan at mapabilis ang pagresponde sa mga insidente sa dagat.
Ayon kay Regional Director PBGen. Roel Rodolfo, malaking tulong ang pagkakaroon ng HSTW lalo na sa mga sitwasyong kinakailangang mabilisang aksyon, gaya ng sakuna, rescue operations, o pagtugon sa mga krimeng nagaganap sa laot.
Aniya, ang mga tactical boats na ito ay espesyal na dinisenyo upang makayanan ang malalakas na alon, lalo na kung bihasa at sapat ang pagsasanay ng mga nakatalagang boatmen.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mga naka-standby na HSTW sa Calapan City at sa Lubang Island sa Occidental Mindoro. Ito aniya ang mga pangunahing lugar na may matinding pangangailangan ng mabilis na galaw ng maritime police dahil sa lawak ng karagatan at dalas ng operasyon sa kanilang nasasakupan.
Dagdag pa ni Rodolfo, layon ng kanilang pag-aaral na alamin kung saan pinakamainam na ilagak ang mga sasakyang pandagat sa Romblon, partikular sa mga lugar na madalas daanan ng mga mangingisda, sakayan ng pasahero, at mga posibleng ruta ng mga ilegal na aktibidad.
Sakaling matuloy, inaasahan nitong makatutulong ang HSTW upang mas maging handa ang kapulisan sa pagtugon hindi lamang sa krimen kundi pati na rin sa mga kalamidad.
Binigyang-diin din ng opisyal na hindi sapat ang pagkakaroon ng kagamitan kung walang kaukulang pagsasanay. Kaya kasama rin sa kanilang plano ang masusing training para sa mga pulis na itatalaga bilang boat operators at crew.
Nasa Romblon si Roldulfo para bisitahin ang mga kapulisan ng Romblon Police Provincial Office.




































