Isang bagong silang na sanggol ang natagpuan ng isang mag-partner sa ilalim ng tulay sa Barangay Panique, Odiongan, Romblon, nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa ulat, nagising ang mag-partner pasado ala-una matapos makarinig ng iyak ng sanggol. Nang kanilang hanapin, natagpuan nila ang bata sa ilalim ng tulay, umiiyak at may mga kagat ng langgam sa katawan.
Agad nilang ipinagbigay-alam ito sa kanilang kapitbahay at sa Odiongan Municipal Police Station, na siya namang naghatid sa sanggol sa Romblon Provincial Hospital. Masuwerte umanong hindi gumulong ang sanggol papunta sa ilog, na noon ay may tubig pa dahil sa ulan na dala ng Bagyong Opong.
Batay sa obserbasyon, bagong silang lamang ang sanggol dahil mayroon pa itong bahid ng dugo at nakakabit pa ang umbilical cord at placenta.
Sa ngayon, nasa pangangalaga ng ospital ang bata habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung sino ang nag-abandona rito. Hinala ng mga residente, iniwan lamang ang sanggol sa tulay dahil wala namang buntis na nakatira malapit sa lugar.
Discussion about this post