Pinatawag ng pamunuan ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) ang isang vlogger matapos niyang akyatin ang isang poste ng kuryente para lamang sa paggawa ng content.
Sa video na ibinahagi ng vlogger, makikitang nakasuot siya ng gloves at sapatos bilang proteksyon umano laban sa kuryente habang umaakyat sa poste.
Ayon sa TIELCO, malinaw na bawal at mapanganib ang ganitong gawain alinsunod sa Republic Act 11361 o Anti-Obstruction of Power Lines Act, na may kaakibat na parusa sa sinumang lalabag. Iginiit din ng kooperatiba ang kahalagahan ng pagsunod sa safety protocols, paggamit ng social media nang responsable, at pag-iwas sa mga aktibidad na maaaring magdulot ng panganib sa buhay at sa publiko.
Humingi naman ng paumanhin ang vlogger sa publiko at sa TIELCO. Aminado siyang isang pagkakamali ang ginawa niya at nangakong hindi na ito mauulit.




































