Iminungkahi ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic sa Department of Science and Technology (DOST) na isama sa kanilang intervention sa lalawigan ang pagkakaroon ng mga portable tracking devices sa mga mangingisda upang mas mabilis silang mahanap sakaling masiraan o ma-stranded sa gitna ng dagat.
Ayon sa gobernadora, makatutulong ang ganitong teknolohiya para agad na masagip ng mga awtoridad ang mga mangingisdang humihingi ng tulong
“We wanted na sana magkaroon ng ganung development na required sa lahat ng bangka para pag may nawala ay madali silang hanapin. We can make use of the technology,” pahayag ni Fabic.
Dagdag pa rito, sinabi ni Fabic na nauna na niyang ipinitch ang planong ito sa Philippine Coast Guard (PCG) bilang bahagi ng pagsisikap na matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda sa lalawigan.
Bilang tugon, sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na may kahalintulad na teknolohiya at nakapamahagi na ang ahensya ng mga tracking device sa ilang lugar.
Matatandaang noong 2018, nasa 70 mangingisda at boat operators sa Palawan ang nabigyan ng nasabing kagamitan sa tulong ng isang Manila-based aviation and maritime company at ng DOST.
Si Solidum Jr. at iba pang mga opisyal ng DOST ay nasa lalawigan ng Romblon para sa paglulunsad ng isang programang naglalayong maglatag ng framework at makabuo ng mga solusyon gamit ang agham at teknolohiya upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga residente sa mga isla.



































