Unanimously approved ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang isang resolusyon na sumusuporta sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa lahat ng kawani at opisyal ng lokal na pamahalaan na makisangkot sa online gambling.
Ang nasabing resolusyon ay inihain ni Board member Rubelyn Solis at naglalayong tiyakin na ang parehong pagbabawal ay maisakatuparan sa antas ng lalawigan upang mapanatili ang mataas na pamantayan ng etikal na pamumuno at integridad sa serbisyo publiko.
Batay sa DILG Memorandum Circular No. 2025-082, ipinagbabawal ang sinumang kawani, empleyado, o halal na opisyal ng DILG at mga kalakip nitong ahensya, gayundin ang lahat ng opisyal ng LGU, na makilahok o makisangkot sa anumang uri ng online gambling.
Binanggit sa resolusyon na ang pagkakasangkot ng mga opisyal at kawani ng gobyerno sa online gambling ay maaaring magdulot ng pagbaba ng produktibidad, pagkakaroon ng problemang pinansyal, at makasisira sa reputasyon ng institusyon.
Ayon pa sa Sanggunian, nakatuon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko at pagtiyak na ang lahat ng opisyal at kawani ay sumusunod sa etikal na pamantayan.
Sa ilalim ng resolusyon, hinikayat din ng Sanggunian ang lahat ng lokal na pamahalaan sa probinsya na magpatupad ng kaparehong pagbabawal upang maging iisa at pare-pareho ang polisiya laban sa online gambling.



































