Nagpaabot ng pasasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa Department of Transportation (DOTr) sa desisyon nitong ipagpaliban ang petisyon ng Asian Terminals Inc.–Batangas (ATIB) na itaas ang passenger terminal fee sa Batangas Port mula PHP30 hanggang PHP100.
Ayon sa pahayag ng Romblon Provincial Information Office, binigyang tugon ni DOTr Secretary Vince Dizon ang mga hinaing na isinulat ni Governor Trina Firmalo-Fabic at ilang lokal na opisyal sa kanilang position paper, na layong protektahan ang kapakanan ng mga biyaherong Romblomanon.
Personal umanong nakipag-ugnayan ang opisina ni Sec. Dizon kay Atty. Lance Vladimir Molino mula sa Office of the Governor upang kumpirmahin ang pag-antala sa dagdag-singil. Binigyang-halaga ng kalihim ang mga isyung inilatag ng Romblon at mga karatig-probinsya kaugnay ng nasabing panukala.
Tiniyak ng Office of the Governor na patuloy nilang babantayan ang usapin at ipaglalaban ang interes ng mga mananakay mula sa Romblon.



































