Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025, isinagawa sa Odiongan Christian School ang kauna-unahang pagsasanay sa pagbasa at pagsulat ng Baybayin sa lalawigan noong Agosto 8–9.
Ang dalawang-araw na aktibidad ay inorganisa ng Foursquare Bible College, Romblon Campus Inc., katuwang ang Baybayin Buhayin Inc., na layuning ipakilala at palalimin ang kaalaman sa sinaunang sulat na Baybayin.
Ayon kay Prof. Borromeo Motin, PhD, Direktor ng RSU Sentro ng Wikang Filipino, isang mahalagang hakbang ito upang “pagtibayin at buhayin ang pagpapahalaga sa sariling wika at kultura” sa pamamagitan ng pag-aaral ng tradisyunal na sistema ng pagsulat ng mga ninuno.

Dumalo sa workshop ang mga estudyante, guro, mga malikhaing indibidwal, at mga cultural enthusiast mula sa iba’t ibang bahagi ng bayan. Sa pagsasanay, tinuruan ang mga kalahok ng wastong pagbasa at pagsulat sa Baybayin, gayundin ang kasaysayan at kahalagahan nito sa pambansang identidad.
Ang Baybayin ay isang sinaunang sistema ng pagsulat na ginagamit sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila. Binubuo ito ng mga katutubong simbolo na kumakatawan sa mga pantig, at itinuturing na mahalagang bahagi ng kasaysayan at kultura ng bansa.



































