Tumanggap ng ₱10,000 cash gift ang may kabuuang 105 senior citizens sa bayan ng Odiongan ngayong Biyernes, Agosto 8, sa ilalim ng Republic Act 11982 o ang Expanded Centenarians Act.
Pinangunahan ni National Commission of Senior Citizens (NCSC) MIMAROPA Regional Director Atty. Edwin Dimatatac ang pamamahagi ng benepisyo, katuwang ang local government unit ng Odiongan at Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ng bayan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Dimatatac na ang cash grant ay layong makatulong sa pambili ng gamot, bitamina, at pagkain ng mga senior citizens bilang bahagi ng pagkilala sa mahalagang papel nila sa lipunan.
“Isa itong konkretong hakbang ng pamahalaan para ipakita ang ating pagpapahalaga sa kontribusyon ng mga nakatatanda sa komunidad,” ani Dimatatac.
Ang Republic Act 11982 ay nagbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga Filipino senior citizens na edad 80 hanggang 99 taong gulang, bukod pa sa ₱100,000 na matatanggap ng mga aabot sa edad na 100.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga tumanggap, at umaasa silang magpapatuloy ang ganitong suporta mula sa pamahalaan, lalo na’t dumarami ang gastusin sa pagtanda.
Sinabi ni Matatac na ang pamamahagi ay bahagi din ng pagdiriwang ng ika-6 na anibersaryo ng kanilang ahensya.




































