Ipinagutos ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang pagsasagawa ng periodic random drug testing sa lahat ng empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon, kasunod ng pagkakahuli sa isang kawani nito na nasangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Provincial Information Officer John Aries Bejer, bahagi ito ng mga direktiba ng gobernador upang matiyak ang integridad ng serbisyo publiko. Ang hakbang ay opisyal na inanunsyo ng Romblon Provincial Information Office nitong Miyerkules.
Nahuli si “Alyas Bryan,” isang empleyado ng pamahalaang panlalawigan, sa isang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) MIMAROPA sa Romblon, Romblon. Nasabat ang isang parcel na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
“Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ay naninindigan laban sa ilegal na droga. Walang sinuman, anuman ang posisyon o katayuan sa gobyerno, ang dapat ituring na exempted sa batas,” pahayag ng opisina.
Kasalukuyan ding nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang pamahalaang panlalawigan kaugnay sa pangyayari.



































