Nag-abot ng 27 push-to-talk (PTT) radios ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa Romblon Police Provincial Office (RPPO) upang mapalakas ang komunikasyon sa mga lokal na istasyon ng pulisya sa buong lalawigan.
Ang mga kagamitan ay ibinigay sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Lunes, Hulyo 21, sa isang simpleng turnover ceremony na ginanap sa Cong. Budoy Hall sa bayan ng Romblon.
Ayon kay Lt. Col. Ledilyn Ambonan, hepe ng Public Information Office ng RPPO, ang mga PTT radios ay kayang gamitin sa pamamagitan ng cellular networks, na makatutulong sa mas mabilis at epektibong koordinasyon ng mga yunit ng kapulisan.
Mabebenepisyuhan ng bagong kagamitan ang 17 municipal police stations ng probinsya, kasama ang tactical support platoons at ang provincial police headquarters.
Layon ng inisyatiba na mapalakas ang kapasidad ng mga kapulisan sa pagtugon sa mga insidente, sakuna, at iba pang pangangailangan sa seguridad sa lalawigan.
Dumalo sa aktibidad si Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic at Provincial Director Col. Rexton Sawi, na kapwa nagpahayag ng suporta sa mas pinahusay na disaster response at peacekeeping operations sa Romblon.




































