Bahagyang bumaba ang populasyon ng lalawigan ng Romblon, ayon sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa 2024 census, lumabas na nasa 302,824 na lamang ang kabuuang populasyon ng lalawigan, mas mababa kumpara sa 308,985 na naitala noong Mayo 2020.
Ayon kay Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng PSA Romblon, ang pagbaba ng bilang ay epekto ng pagbalik ng mga tao sa National Capital Region at CALABARZON matapos ang pandemya, partikular na ang mga pansamantalang umuwi sa lalawigan sa ilalim ng “Balik Probinsya” program.
Dagdag pa niya, ang malaking pagtaas sa populasyon mula 2015 hanggang 2020 na may growth rate na 1.14% ay bunsod ng dami ng umuwing Romblomanon noong kasagsagan ng pandemya, lalo na’t naurong ang pagsasagawa ng 2020 Census of Population and Housing (CPH) sa mga buwan ng Setyembre hanggang Oktubre 2020.
Mula 2020 hanggang 2024, ang annual population growth rate ng buong lalawigan ay bumagsak sa -0.48%, isang indikasyon ng net migration pabalik sa mga urban areas.
Sa kabila nito, binanggit din ni Solis na maaaring nakaapekto sa pagbaba ng populasyon ang mga kampanya para sa Family Planning, na dahilan kaya mas kaunti na ang mga mag-asawang nagkakaanak ngayon.
Ilan sa mga bayan na may malaking pagbaba ng populasyon ay ang Santa Maria, mula 8,989 noong 2020 ay bumaba sa 8,360 noong 2024, na may growth rate na -1.72%. Sa Concepcion, mula 3,561 ay bumaba sa 3,427, na may -0.92% na growth rate. Sa Corcuera naman, mula 10,112 ay bumaba sa 9,021, na may -2.70% growth rate.
Samantala, may mga bayan pa rin na nagtala ng bahagyang pagtaas sa populasyon gaya ng Cajidiocan na mula 23,259 ay tumaas sa 23,488, na may growth rate na 0.24%, at Banton mula 5,737 ay tumaas sa 5,848, na may 0.46% growth rate.
Batay sa datos, ang total population ng Romblon noong 2020 ay nasa 308,985 ngunit bumaba ito sa 302,824 pagdating ng 2024. Ang annual population growth rate ng 2020–2024 ay bumaba sa -0.48%.
Ayon sa PSA, nananatiling “migration-affected” ang lalawigan ng Romblon.




































