Inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang unang Executive Order na nilagdaan ni Gobernadora Trina Firmalo-Fabic na naglalayong patatagin ang pagpapatupad ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) sa pamamagitan ng Romblon Province Good Governance Code of 2025.
Sa ilalim ng kautusang ito, ipinagbabawal ang lahat ng anyo ng katiwalian sa pamahalaan, kabilang ang pagtanggap ng suhol, pagkakaroon ng interes sa mga kontrata o proyekto ng pamahalaan, at pagbibigay ng hindi makatwirang pabor sa sinumang indibidwal o grupo.
Nilalayon ng kautusan na masiguro ang pagsunod ng mga kawani ng pamahalaan sa umiiral na mga batas hinggil sa maayos na pamamahala.
Kasama rin sa mga probisyong ipinatutupad ang pagbabawal sa tinatawag na “epal practices,” o ang paglalagay ng pangalan, larawan, o inisyal ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga proyekto, programa, at kagamitan ng pamahalaang panlalawigan. Ang mga proyektong ito ay inaasahang lalagyan lamang ng opisyal na pangalan ng proyekto, lokasyon, pondo, at iba pang impormasyong ayon sa pamantayan ng Commission on Audit.
Upang matiyak ang maayos na pagpapatupad, binuo ang Provincial Good Governance Committee (PGGC) bilang pangunahing mekanismo para sa pagmo-monitor at pagtiyak sa pagsunod sa mga alituntunin ng Good Governance Code.
Ang PGGC ay binubuo ng mga opisyal mula sa ehekutibo, lehislatura, at mga kinatawan mula sa civil society organizations.
May tungkulin itong tumanggap ng reklamo, magsagawa ng imbestigasyon, at magmungkahi ng mga reporma upang mapabuti ang serbisyo ng pamahalaan.
Ang Romblon Province Good Governance Code ay naglalaman rin ng mga alituntunin para sa maagap, magalang, at tapat na pagbibigay ng serbisyo publiko, kabilang na ang pagtalima sa Ease of Doing Business Act (RA 11032) at Code of Conduct for Public Officials (RA 6713).
Target ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng mga kautusang ito na mapalakas ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
































