Aabot sa 436 senior citizens sa lalawigan ng Romblon ang inaasahang makatatanggap ng cash gift mula sa pamahalaan ngayong taon bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa lipunan at bilang suporta sa kanilang kasalukuyang kalagayan.
Sa pagdiriwang ng ika-6 na anibersaryo ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ngayong Hulyo 25, muling nanawagan si Maricel De la Vega-Urdas, kinatawan ng NCSC MIMAROPA, sa mga senior citizen na nasa milestone ages — 80, 85, 90, 95, at 100 taong gulang pataas — na lumapit sa kanilang tanggapan upang makuha ang kanilang kaukulang benepisyo.
Sa panayam sa programang Kapihan sa PIA Romblon, ipinaliwanag ni Urdas na ₱10,000 ang ibibigay sa mga senior citizen na aabot sa mga milestone ages, habang ₱100,000 naman ang matatanggap ng mga centenarians o yaong umabot sa edad 100 pataas, alinsunod sa Republic Act 10868 o ang Centenarians Act of 2016.
Gaganapin ang payout kada quarter para sa mga senior citizen na maaabot ang itinakdang edad sa loob ng taon.
Hinimok din ni Urdas ang mga pamilya ng senior citizens at mga barangay officials na tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon, lalo na sa mga liblib o malalayong lugar, upang matiyak na walang benepisyaryong mapag-iiwanan.
“Bahagi ito ng pagkilala sa mga nakatatanda at pagpapakita ng suporta ng pamahalaan sa kanila. Kung may kilala po kayo na kwalipikado, iparating po sa amin para maiproseso agad,” pahayag ni Urdas.
Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng NCSC para sa welfare at dignidad ng mga senior citizens sa buong bansa.
































