Isang student-athlete mula sa Occidental Mindoro State College (OMSC) ang nasawi matapos ang laban sa boxing finals ng State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) National Games 2025 na ginanap sa Camiguin.
Kinilala ang biktima bilang si Marc Mateo Castillo, 20 taong gulang, 2nd year student at kinatawan ng Southern Tagalog Region sa nasabing paligsahan.
Ayon sa mga nakasaksi, ilang ulit na tinamaan ng sunod-sunod na malalakas na suntok si Castillo sa third round, dahilan upang itigil ng referee ang laban.
Naglabas ng pahayag ang OMSC sa kanilang opisyal na Facebook page, nagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ni Castillo at nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Si Castillo ay kilala ring gold medalist sa collegiate level noong 2024 sa parehong paaralan.
Dahil sa trahedyang ito, muling nabuhay ang panawagang ipagbawal ang boxing sa mga school-based sports competitions para sa kaligtasan ng mga kabataang atleta.