Ibinahagi ni Lt. Col. Ledilyn Ambonan, hepe ng Public Information Office ng Romblon Police Provincial Office, na batay sa kanilang naging monitoring, wala silang naitalang insidente ng vote-buying sa buong lalawigan ng Romblon sa panahon ng halalan.
Ayon kay Ambonan, mahigpit ang isinagawang pagbabantay at pagsubaybay ng mga tauhan ng pulisya sa bawat bayan upang matiyak na nasunod ang mga alituntunin ng Commission on Elections (COMELEC) at napangalagaan ang kaayusan at integridad ng proseso ng botohan.
Sa kabila ng mga ulat na kumalat sa social media at sa ilang usap-usapan sa mga komunidad, nilinaw ni Ambonan na walang sinumang opisyal o pribadong mamamayan ang nagtungo sa mga himpilan ng pulisya upang maghain ng pormal na reklamo kaugnay ng umano'y bilihan ng boto.
Nauna nang ipinanawagan ni Atty. Ryan Santos, Provincial Election Supervisor ng COMELEC sa Romblon, ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko sa mga ahensya ng gobyerno upang masiguro ang isang malinis at mapayapang halalan sa lalawigan.


































