Nanawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko na aktibong makilahok sa pagtutuligsa sa vote buying sa gitna ng nalalapit na National at Local Elections sa Mayo 12, 2025.
Sa Kapihan sa PIA Romblon, binigyang-diin ni Romblon Provincial Election Supervisor Atty. Ryan Santos na hindi sapat ang aksyon ng mga ahensya ng gobyerno at law enforcement kung walang suporta at partisipasyon ng mamamayan.
“So when it comes doon sa problema sa mga vote buying, hindi po natin kakayanin na sa law enforcement agency o doon sa government side lang po tayo aasa. Kailangan din po namin ng tulong ng taong bayan po dito,” ayon kay Santos.
Ayon pa sa opisyal, ang vote buying ay isang seryosong paglabag na sumisira sa integridad ng halalan, kaya mahalagang may sapat na ebidensya at mga saksi upang maimbestigahan at maaksyunan agad ng COMELEC at ng mga kinauukulang ahensya.
“Kailangan po natin magtulungan dito. Malaman lang po namin, magkaroon po ng sapat na ebidensya, witnesses, actionan po natin yan,” aniya.
Gayunpaman, nagbabala si Santos laban sa mga pekeng reklamo na layuning manira o pahabain ang proseso.
“Huwag lang po ‘yung dubious na complaints. Kasi alam niyo naman, napakadali mag-file ng complaint kumbaga para lang makapag-delay, makapanira. Huwag naman po sana sa ganun paraan,” dagdag niya.
Hinimok ng COMELEC ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan upang maisakatuparan ang malinis, mapayapa, at tapat na halalan sa kanilang lokalidad.