Nakikiisa ang mga opisyal ng lalawigan ng Romblon sa pagdadalamhati ng Simbahang Katolika at ng buong mundo sa pagpanaw ni Pope Francis, ang ika-266 na Santo Papa ng Simbahang Katolika, na pumanaw nitong April 21, 2025 sa edad na 88.
Sa isang opisyal na pahayag, nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si Congressman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, kinatawan ng lone district ng Romblon, sa buong Simbahang Katolika at sa milyon-milyong mananampalataya.
“Siya ay isang tunay na lingkod ng Diyos—bukal sa puso ang malasakit sa kapwa, walang pagod na nagtaguyod ng kapayapaan, katarungan, at pagkakaisa sa gitna ng makabagong panahon,” ani Madrona. Ipinahayag din niya ang paghanga sa diwa ng awa at habag na pinairal ng Santo Papa sa kanyang pamumuno. “Ang kanyang alaala ay mananatili sa ating puso at pananampalataya,” dagdag pa ng kongresista.
Samantala, si Governor Jose Riano ay naglabas din ng mensahe ng pakikiramay at pasasalamat sa yumaong Santo Papa. “Paalam, Santo Papa Francisco. Nakikiisa kami sa Simbahang Katoliko at ng buong sambayanang Pilipino sa pakikiramay sa pagpanaw ng ating pinakamamahal na Santo Papa Francis,” aniya.
“Maraming salamat, Santo Papa Francisco, sa iyong buhay na naging ilaw at inspirasyon sa amin,” dagdag ng gobernador.
Si Pope Francis, na isinilang bilang Jorge Mario Bergoglio sa Argentina, ay naging Santo Papa noong 2013 at kilala sa kanyang progresibong pananaw, simpleng pamumuhay, at pagtutok sa mga isyung panlipunan gaya ng kahirapan, climate change, at pagkakapantay-pantay. Ang kanyang pagpanaw ay iniwan ang buong mundo sa matinding dalamhati, ngunit ang kanyang buhay at mga aral ay patuloy na magiging gabay ng milyun-milyong mananampalataya.