Sugatan ang isang 38-anyos na lalaki matapos itong masaksak ng kanyang kainuman sa Barangay Libertad, Odiongan, Romblon, gabi ng Lunes, Marso 31.
Ang biktimang si Joberth Zaspa, 38, ay nakikipag-inuman sa suspek na si Wilfredo Miñon nang magkaroon ng pagtatalo ang dalawa, na nauwi sa pananaksak.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, habang nagtatalo, biglang bumunot ng patalim si Miñon at sinaksak ang biktima. Nakailag si Zaspa sa unang saksak, ngunit sa pangalawang attempt, tinamaan ito sa katawan.
Matapos ang insidente, agad tumakas ang suspek mula sa lugar ng krimen, dala ang patalim na ginamit sa pananaksak.
Isinugod naman si Zaspa sa Romblon Provincial Hospital upang malapatan ng agarang lunas.
Samantala, ayon sa Odiongan Police, nagkasundo na ang dalawang panig na pag-usapan na lamang ang nangyaring insidente.