Sa Barangay Panique, Odiongan, Romblon, isang 52-anyos na lalaki ang nagpalipas ng unang oras ng 2025 sa ospital matapos masaksak ng isang Barangay Tanod noong Enero 1.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, ang biktima, na hindi pinangalanan, ay pumunta sa bahay ng kanyang biyenan kung saan tumutuloy ang kanyang asawa. Bagamat hiwalay na sila, nakita niya ang kanyang asawa na nakikipag-inuman sa suspek. Nilapitan niya ang tanod at tinapik ito sa ulo, na nauwi sa suntukan.
Sa salaysay ng biktima, habang nagsusuntukan, bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak siya nang tatlong beses sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isinugod ang biktima sa Romblon Provincial Hospital para magamot. Samantala, inaresto ng mga awtoridad ang suspek sa bahay nito sa Barangay Libertad.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek sa himpilan ng pulisya habang inihahanda ang kasong Slight Physical Injury laban sa kanya.