Nasawi ang isang 18-anyos na estudyante habang sugatan ang dalawang minor na kasamahan nito matapos mahulog ang sinasakyang motorsiklo sa isang bangin sa kahabaan ng Boliganay-Cabaliwan Road sa Odiongan, Romblon nitong hapon ng Biyernes.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang rider na si Yaj Fajarito Vargas ay nawalan umano ng kontrol sa motorsiklo habang binabagtas ang kalsada, na nagresulta sa pagkadulas at pagbulusok ng kanilang sasakyan sa isang bangin na may lalim na halos 10 metro.
Dead on the spot si Vargas dahil sa tinamong malubhang pinsala, habang ang dalawang minor na sakay nito ay agad isinugod sa Romblon Provincial Hospital. Patuloy na binabantayan ng mga doktor ang kanilang kalagayan.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang galing ang grupo sa Linaw De Victo Falls at pauwi na sana nang mangyari ang aksidente.
Pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga kalsadang may matatarik at mapanganib na bahagi upang maiwasan ang ganitong trahedya.