Kasabay ng paggunita ng bansa sa National Day of Charity kahapon, nagsagawa ng programa ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Romblon branch na naglalayong magbigay-pugay sa mga manggagawang nasa front line ng kanilang komunidad. Bilang pasasalamat, namigay ang PCSO ng libreng tanghalian at hygiene kits sa mga sepulturero na nagtatrabaho sa Dapawan Public Cemetery, at sinabayan pa ito ng libreng pananghalian para sa mga tricycle driver sa bayan.
Ayon sa PCSO, malaki ang ambag ng mga sepulturero sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa mga sementeryo, lalo na sa mga panahong marami ang bumibisita rito. Nagbigay rin ng libreng taho sa halos 250 na mamimili sa Odiongan Public Market.
Ayon kay Mary Rose Fallaria, Social Welfare Officer ng PCSO Romblon branch, ang suporta ng publiko sa mga programa ng PCSO ang nagbibigay-daan sa kanilang charitable activities.
“Sana po ay patuloy nilang suportahan ang mga produkto ng PCSO dahil ito ay nakakatulong din po sa pagbibigay namin ng mga medical assistance po sa mga pasyente na nandito sa Romblon at sa ibang lugar sa Pilipinas,” pahayag ni Fallaria.
Isa si Romel Severo, isang sepulturero, sa mga nakatanggap ng tulong mula sa PCSO. Malaki ang kanyang pasasalamat sa mga natanggap na hygiene kits at bitamina.
“Maraming salamat sa biyayang ibinigay sa akin, lalong lalo na sa tulong na ito,” ani ni Severo.
Ang National Day of Charity ay idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na inoobserba tuwing Oktubre 30 bilang pagpapakita ng commitment ng pamahalaan na itaas ang kabuhayan ng mga Pilipino at palakasin ang diwa ng pagkakawanggawa sa buong bansa.