Isang 34-anyos na laborer mula Barangay Calabasahan, Concepcion, Romblon, ang natagpuang patay matapos mahulog mula sa seawall at malunod noong Sabado ng umaga, Oktubre 12.
Ayon sa imbestigasyon ng Concepcion Municipal Police Station, ang biktima ay nakipag-inuman noong Biyernes ng gabi kasama ang mga kapwa laborer sa Barangay San Pedro. Pagkatapos ng inuman, nagpunta siya sa isang construction site sa Sitio Punta, Barangay Poblacion, at doon natulog sa tabi ng seawall.
Bandang alas-5:40 ng umaga, nakita pa siya ng mga kasamahan na natutulog sa seawall, ngunit nang mag-alas-10 na ng umaga, natagpuan na lamang ang katawan ng biktima na lumulutang sa dagat.
Dinala pa ang biktima sa Rural Health Unit ngunit idineklara itong dead on arrival. Walang senyales ng foul play sa katawan ng biktima, kaya naniniwala ang kanyang pamilya na aksidente itong nahulog habang natutulog sa seawall.