Dinala ng mga pulis sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang menor de edad na suspek matapos mahuli sa pagnanakaw ng isang motorsiklo sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon noong Setyembre 26.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, ang biktima na si Reymar Cruz Perfas, 32, ay pinarada ang kanyang motorsiklo sa tabi ng Rizal Elementary School bandang alas-5 ng hapon ng Setyembre 26. Pagbalik niya, nawawala na ang kanyang sasakyan.
Matapos ang dalawang araw na paghahanap, pagdating ng alas-10:30 ng gabi ng Setyembre 28, nakita umano ng ama ni Perfas ang dalawang menor de edad na ginagamit ang nawawalang motorsiklo. Agad niyang pinuntahan ang mga suspek at narekober ang sasakyan.
Agad na rumesponde ang mga pulis at dinala ang mga menor de edad sa presinto. Kalaunan, inilipat sila sa pangangalaga ng DSWD para sa karampatang proseso, alinsunod sa batas na nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga kabataan.