Dalawang estudyante ang nagpapagaling ngayon matapos masangkot sa aksidente sa Brgy. Mayha, Odiongan, Romblon noong Setyembre 12.
Ang rider ng motorsiklo, na menor-de-edad, ay sumalpok sa likuran ng isang pulang SUV habang magkaangkas sila ng isang 19-anyos na estudyante.
Ayon sa imbestigasyon, parehong patungong Barangay Mayha mula Barangay Rizal ang motorsiklo at SUV. Nang humina ang SUV upang lumiko sa FSTI Food Stalls, hindi nakapagpreno ang motorsiklo dahil sa mabilis na takbo nito, dahilan upang bumangga ito sa likuran ng kotse.
Agad isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang dalawang sakay ng motorsiklo upang magamot ang kanilang mga natamong sugat.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Odiongan Municipal Police Station ang insidente, at ang mga nasangkot na sasakyan ay dinala sa kanilang himpilan.