Isang lalaki ang nasawi matapos itong malunod sa Barangay Poctoy sa Odiongan, Romblon, noong gabi ng Lunes, Setyembre 23, habang ito ay nangingisda.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Hermie Masangcay Rafael Jr, 31, at residente ng Sitio Luntian, Barangay Pato-o.
Ayon sa ulat, bandang 7:05 ng gabi, nagtungo ang biktima kasama ang kaniyang bayaw sa dagat upang manghuli ng isda gamit ang sibat. Matapos ang halos isang oras ng panghuhuli, napansin ng kaniyang bayaw na nawawala ang biktima. Agad siyang naghanap, at sa paghahanap ay nakita niya ang isang flashlight na kasama ng palutang-lutang na katawan ng biktima.
Humingi agad ito ng tulong mula sa ibang mangingisda at dinala ang katawan ng biktima sa pampang.
Sinubukan nilang i-revive si Rafael ngunit bigo ang mga mangigisda kaya agad silang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). Isinugod ang biktima sa Romblon Provincial Hospital para sa agarang medikal na atensyon ngunit nasawi rin ito habang ginagamot sa ospital.
Sa pagsusuri sa katawan ng biktima, walang nakita na anumang senyales ng physical injuries, kaya’t inalis ang posibilidad ng foul play.