Isang Barangay Kagawad mula sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon, ang nagtamo ng galos sa katawan matapos mabangga ng isang mabilis na motorsiklo habang siya ay tumatawid sa kalsada nitong hapon ng Martes, September 24.
Kinilala ang biktima na si Kagawad Rey Faderogaya, 66 taong gulang.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, si Faderogaya ay galing sa Barangay Hall at patawid na sa kabilang bahagi ng kalsada nang bigla siyang masalpok ng isang motorsiklo na minamaneho ni Dante Forcadas, 35 taong gulang.
Batay sa imbestigasyon, mabilis diumano ang takbo ng motorsiklo kaya hindi ito agad nakapreno nang makita ang kagawad. Dahil dito, parehong tumilapon ang dalawa at nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sa kabila ng aksidente, nagkasundo naman si Faderogaya at Forcadas na hindi na magsasampa ng reklamo at pag-uusapan na lamang ang insidente.