Sugatan ang isang lalaki sa Odiongan, Romblon matapos itong saksakin sa labas ng isang bar nitong madaling araw ng Biyernes.
Kinilala ang biktimang si Albert Musca, 28, residente ng Barangay Rizal sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas si Musca kasama ng kanyang mga kaibigan mula sa Tipsy Bar matapos may mag-away di umanong mga kalalakihan sa loob.
Nang nasa motorsiklo na ang biktima, bigla nalang itong sinaksak sa likuran ng hindi pa nakikilalang suspek na tumakas din agad matapos ang krimen sakay ng isang motorsiklo.
Agad na humingi ng saklolo ang biktima at mga kaibigan nito sa mga kapulisan ng Odiongan Municipal Police Station na sila namang nagsugod sa biktima sa ospital.
Patuloy ang hot pursuit operation ng kapulisan para sa ikahuhuli ng suspek. Iniimbestigahan na din ng pulisya ang mga CCTV footages sa lugar maging sa loob ng bar sa posibleng pagkakakilanlan nito.