Nauwi sa pananakit ang masayang hapunan ng dalawang magbarkada sa Barangay Tabobo-an sa Odiongan, Romblon matapos magalit ang suspek sa hilaw na luto ng biktima.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, ang biktimang si Elorde Lorenzo, 64, at ang suspek na si Glenn Fabriquer, 29, ay katatapos lang mag-inuman nang mangyari ang pananakit.
Habang kumakain umano sila ng hapunan, sinabi ng suspek na hilaw di umano ang niluto ng biktima na pagkain. Nagbitaw din umano ito ng masasakit na salita sa biktima dahilan para magkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa nauwi sa suntukan.
Habang nagtatalo ay sinubukan di umano ng biktimang paluin ang suspek ng upuan ngunit humarang ang ina nito at ito ang tinamaan ng upuan.
Bilang ganti, sinugod ng suspek ang biktima at hinampas di umano ng hallow blocks. Para umiwas, tumakbo ang biktima sa bahay ng kanyang anak ngunit hinabol siya dito ng suspek.
Kalaunan ay tumakas din ang suspek palayo sa pinangyarihan ng pag-aaway habang ang biktima ay isinugod sa Romblon Provincial Hospital para patingnan ang natamong tama ng hallow blocks sa ulo at dibdib.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.