Isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang isang construction worker matapos itong masaksak ng isa pang construction worker nitong gabi ng Miyerkules sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.
Pero ang suspek, base sa police report ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ay gumanti lamang pala sa biktima na naunang sumaksak sa kanya.
Sa ulat ng Odiongan MPS kasi lumalabas na ang biktimang si Resty Sulabo ay nakikipag-inuman sa kanyang mga katrabaho sa bahay ng kanyang asawa nang madaanan sila ng suspek na si Jaypee Villacrusis. Sakto naman umanong narinig ng suspek na pinag-uusapan siya ng biktima at kanyang mga kainuman.
Inabangan ng suspek ang biktima at kinumpronta sa labas ng kanilang bahay at tinanong kung “Anong problema Pre?”.
Sa police report, matapos tanungin ay bigla nalamang umanong bumunot ng patalim ang biktima at sinaksak ang suspek sa kamay dahilan para makipagbuno ang suspek para maagaw ang patalim. Nang maagaw ay ginantihan nito ng saksak ang biktimang nagtamo ng tama sa likod at sa tainga.
Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang biktima habang si Villacrusis ay kusang sumuko sa Barangay Captain ng Barangay Gabawan.