Napatay sa saksak ang isang lalaki sa bayan ng San Agustin, Romblon na nakikiramay lamang sa isang burol sa Barangay Cagboaya nitong gabi ng March 9.
Ang biktima ay kinilalang si Freddie Vic Largueza habang ang itinuturong suspek naman ay si Sonny Sualog, booking officer ng isang shipping company.
Sa pag-iimbestiga ng San Agustin Municipal Police Station, ang suspek at ang biktima ay nagkaroon ng pagtatalo habang sila ay dumadalo sa isang lamay. Matapos di umanong magtalo ay umuwi ang suspek sa kanyang bahay at kumuha ng patalim at walang anu-ano ay biglang sinaksak ang biktima sa tiyan.
Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit binawian rin ng buhay kalaunan. Ang suspek naman ay kusang sumuko sa pulisya. Posibleng maharap ang suspek sa kasong murder.
Editor’s Note: Nanunang naibalita ng Romblon News Network na ang suspek ay posibleng maharap sa kasong frustrated murder dahil ito ang laman ng police report mula sa Romblon Police Provincial Office. Sa pag-iimbestiga ng RNN, namatay din kalaunan ang biktima kaya posibleng maakyat sa murder ang kaso ng suspek.