Arestado ang isang lalaki matapos magpa-cash in ng malaking halaga sa kanyang e-wallet ngunit ang kapalit pala ay pekeng pera.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang naarestong lalaki na si Mark Joseph Romero Mariano, 25, residente ng bayan ng Alcantara.
Ayon sa may-ari ng tindahan sa Odiongan na si Imelda Santiago, nagpa-cash in di umano ang suspek ng halagang P15,000 sa kanyang e-wallet ngunit nabuking nitong pekeng mga pera ang ibinayad sa kanya ng suspek. Humingi si Santiago ng tulong sa mga tambay sa lugar dahilan para maaresto ang suspek at maiturn-over sa Odiongan Municipal Police Station.
Maliban sa ibinayad sa biktima, nakuhaan pa di umano ang suspek ng iba pang pekeng pera na pare-pareho ang serial number na nakalagay sa hawak nitong sling bag.
Nakakulong na ang suspek at mahaharap ito sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code of the Philippines o ang iligal na posisyon at paggamit ng mga pekeng bank notes.