Isang lalaki ang naaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station matapos itong maaktuhang may dala-dalang hinihinalang nakaw na water pump madaling araw ng Huwebes.
Ayon sa police report na nakarating sa Romblon Police Provincial Office, nakatanggap umano ng sumbong ang kapulisan sa Odiongan kaugnay sa dala-dalang water pump ng suspek kaya agad nila itong pinuntahan at inimbestigahan.
Pag labas ng araw, isang Lola na edad 81 anyos ang tumungo sa police station para magsumbong na nanakawan siya ng water pump sa Barangay Poctoy.
Dito na ipinakita ng mga pulis ang nakuha nilang water pump sa suspek na si Dante Bansoli, 43, residente ng Barangay Agnocnoc, Ferrol, Romblon.
Matapos makumpirma ng biktima na ito nga ay ang nawawala niyang water pump, agad niyang sinabi sa mga pulis na itutuloy nito ang pagsasampa ng kasong Theft laban kay Bansoli. Ayon sa matanda, nagkakahalaga ng halos P15,000 ang presyo ng nasabing water pump.
Nakapiit na ito ngayon sa Odiongan Municipal Police Station habang inaantay na masampahan ng kaso sa Office of the Provincial Prosecutor.