Timbog ang isang lalaki sa Odiongan na tumangay sa cellphone ng isang pang lalaki na ka-transaksyon sana nito, umaga ng October 5.
Ang suspek na hindi nagpakilala sa mga taga-media ay napag-alamang residente ng bayan ng Looc, Romblon at pumunta sa Odiongan para sa mudos.
Sa kuwento ng biktima sa Romblon Sun, katransaksyon umano niya ang suspek sa may plaza na bibili ng kanyang cellphone, ngunit habang sinusuri ng suspek ang cellphone ay bigla nalang itong kumaripas ng takbo.
Agad namang hinabol ang suspek ng mga estudyante ng Romblon State University, at ilan pang nakatambay sa lugar nang mangyari ang nakawan.
Dumaan pa sa pasikot-sikot ang suspek ngunit kalaunan ay nakorner ito malapit sa kanto na may mga nakatambay na tricycle driver.
Kwento ng suspek sa mga pulis, kailangan lang umano niya ng pera at may emergency umano sa kanila kaya niya nagawa ang krimen.
Dinala na ito sa Odiongan Municipal Police Station ng mga rumespondeng pulis para sampahana ng kaukulang kaso.