Sa layuning suportahan ang edukasyon ng mga mag-aaral, nagkaloob ang United Nations International Children’s Emergency Fund o UNICEF ng mga school bag o learner’s kits sa ilang estudyante sa Odiongan sa Romblon.
Ayon sa Odiongan Public Information Office, ang naipamahaging school bags ay tugon sa kahilingan ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic sa UNICEF na maisama ang mga estudyante sa Odiongan sa kanilang programang nakatutok sa pagpapalakas ng edukasyon sa mga komunidad bilang co-lead ng Global Education Cluster.
Ipinamahagi ito sa mga paaralan ng Progreso Este Elementary School, Odiongan South Central Elementary School, at Libertad Elementary School.
Ang mga ipinagkaloob ng UNICEF sa Odiongan ay apat (4) na Early Childhood Dvt (ECD) kit, 209 na learner’s kits, at apat (4) na school-in-a-box.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa tulong na ibinigay ng UNICEF. Sa maikling programang ginanap bago ang distribusyon, binigyang-diin ni Mayor Fabic ang kahalagahan ng edukasyon sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga kabataan sa Odiongan.