Sa pananaksak nauwi ang pagtatalo ng mag live-in partner na residente ng Barangay Mayha sa Odiongan, Romblon noong gabi ng Linggo.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, habang nag-iinuman ang dalawa sa birthday party malapit sa kanila, kinuha ng suspek ang cellphone ng live-in partner nito at tinapon sa kalsada dahilan upang masira ito.
Pagbalik nila sa kanilang tinitirhan, nagtalo ulit ang dalawa. Nang paalis na ang biktima, bigla nalang umano kumuha ng kutsilyo ang suspek sa kusina at sinaksak sa likod ang biktima.
Agad namang tinulungan ang biktima ng landlady ng kanilang inuupahan para dalhin sa Romblon Provincial Hospital. Nahuli naman ang suspek kalaunan ng mga rumespondeng pulis. Narekober ang ginamit ng suspek na kutsilyo na tinatayang may habang 9 inches.
Sa isang panayam, nilinaw sa Romblon News Network ng babae na siya ang biktima ng pagtatalo at nagawa niya lang umano ‘yun dahil sa sama ng loob. Nagkaayos na rin umano silang dalawa. Itinanggi rin nito ang ulat ng pulisya na nahuli ito sa hot pursuit operation, dahil kusa umano siyang sumuko sa otoridad.
Editor’s Note: Tinanggal namin ang pangalan ng mga sangkot bilang pagtalima sa kanilang kahilingan.