Diretso sa kulungan ang isang lalaking residente ng Doňa Juana, San Agustin, Romblon matapos itong mahuli sa checkpoint sa Odiongan na may dala di umanong nakaw na baril.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Heneralito Cereñio Molido, 22.
Ayon sa incident report na nakarating sa Romblon Police Provincial Office, ang baril na dala umano ng suspek nang ito ay mahuli ay nakarehistro sa isang Edgardo Macalipay Sixon, 57, residente ng bayan ng Calatrava.
Personal na dumulog nitong Huwebes, July 6, si Sixon sa pulisya para pormal na maghain ng reklamo laban sa suspek na di umano ay posibleng nagnakaw ng baril nito.
Ayon umano kay Sixon, nalaman nalang nilang ninakaw ang baril nang maaresto ang suspek noong July 2 ng madaling araw sa Odiongan ng mga tuahan ng Provincial Mobile Force Company at ng Odiongan Municipal Police Station.
Posible umanong bago maaresto ay nilooban ng suspek ang bahay ng kapatid ng biktima kung saan nakatago ang nakuhang baril.