Dead on arrival sa ospital ang isang lalaki sa Barangay Amatong sa Odiongan, Romblon matapos itong mahulugan ng sanga ng nilalagaring puno ng kanyang kasama gamit ang chainsaw.
Kinilala ang biktima na si Arthur Soledad Oriendo, 46, residente nang nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, naglalagari ng isang Salong Tree si Arthur nitong umaga ng Martes kasama ang chainsaw operator na si Raffy Santiago, 32, nang mangyari ang aksidente.
Nang maputol umano ang puno ng Salong Tree sumabit ang mga baging na nakadikit naman sa sanga ng Toog tree na siyang nahulog at tumama sa ulo ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na walang maipakitang permit ang operator ng chainsaw kaya ito inaresto at kinumpiska ang ginamit na chainsaw.
Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting in Homicide si Santiago at paglabag sa Section 77 ng PD 705.