Dalawang may direktang kinalaman sa pagguho ng isang treasure hunting site sa Barangay Tulay, Odiongan ang posibleng managot sa nangyaring insidente na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang trabahador na natabunan ng gumuhong lupa.
Ayon kay Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, nakasaad ito sa police report na natanggap ng kanilang opisina mula sa Odiongan Municipal Police Station.
Sinabi ng alkalde na patuloy na tutulong ang lokal na pamahalaan ng Odiongan para makamit ng mga kamag-anak ang hustisya para sa dalawang nasawi.
May 5 ng tanghali nang makatanggap ng ulat ang MDRRMO na may dalawang trabahador ang natabunan ng lupa sa lugar matapos gumuho ang hinukay nilang may halos 11 metros ang lalim.
Pasado alas-8 na ng gabi nang marekober ang katawan ng dalawang biktima.