Wala ng buhay nang mahukay ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang dalawang lalaking natabunan ng lupa sa loob ng bahay na hinuhukayan nila para di umano sa isang treasure sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.
Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Melvin Fallaria at Daryl Fetalvero.
Ayon kay MDRRMO Edgar Solano, naiulat sa kanila ang insidente pasado alas-11 na ng tanghali ngunit posibleng gumuho ang lupa ay bandang alas-9 palang ng umaga.
Kwento nito sa Romblon News Network, sinubukang iligtas ang dalawa ng mga kasama nilang naghuhukay ngunit hindi kinaya kaya humingi ng tulong sa lokal na pamahalaan.
Nangdumating sila sa lugar, nakakausap pa nila ang dalawa ngunit dahil sa malalim na hukay, nahirapan ang mga rescuers na agad-agad na hukayin ang dalawa.
Pasado alas-8 na ng gabi nang marekober ang katawan ng dalawang biktima.
Ayon kay Major Edwin Bautista ng Odiongan Municipal Police Station, iimbestigahan nila ang pangyayari at pananagutin ang mga dapat managot sa insidente.