Iniimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang kumalat sa social media na post na di umano ay may uod sa nabiling pagkain sa isa sa mga pwesto sa food court sa bayan.
Sa facebook post ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, sinabi nito na iniimbestigahan na ng Municipal Economic Enterprise Development Office at Rural Health Unit/Sanitary Inspectors ang insidente at nagpatawag na ng pagpupulong para sa mga food court tenants.
“Makakaasa ang publiko na ang mga bagay na katulad nito ay seryoso na binibigyan ng pansin ng Lokal na Pamahalaan. Bawat simula ng taon ay nagpapa Course po tayo sa Food Handlers c/o RHU,” pahayag ng alkalde.
Nanawagan rin ito sa publiko na dumirekta sa opisina ng Rural Health Unit o sa Mayor’s Office kung may mga sumbong para makuhaan ng tamang detalye at para na rin mabigyan ng karampatang aksyon.


























