Ininagurahan nitong ika-14 ng Abril ang bagong gusali ng Provincial Training Center ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Nagkaroon ng ribbon cutting ceremony at Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng TESDA at 3 malalaking kompanya sa bayan na puwedeng pasukan ng mga magtatapos rito.
Sinaksihan nina TESDA Mimaropa regional director Angelina Carreon kasama si Romblon Vice Governor Armando Gutierrez ang programa. Dumalo rin rito ang mga opisyal ng bayan ng Odiongan at Barangay Anahao sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Ayon kay RD Carreon, malaking tulong ang bagong gusali ng training center dahil may mas maaliwalas nang silid-aralan ang mga mag-aaral sa TESDA.
Samantala, ipinaabot ni Vice Governor Gutierrez ang kahalagahan ng mga Technical and Vocational Education and Training na isa sa mga programa ng TESDA dahil makakatulong ito sa pagdami ng mga puwedeng makahanap ng trabaho na mga Romblomanon.


































