Bubuksan na sa darating na February 16 ang Civil Registration Services (CRS) outlet ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bayan ng Odiongan, Romblon para mabilis na makapahingi ng mga orihinal na dokumento mula sa ahensya gaya ng birth certificates.
Ayon kay Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng PSA Romblon, puwedeng mag-request rito ng kopya ng birth certificate, marriage certificate, at death certificate, cenomar, cenodeath.
Kauna-unahan ito sa probinsya at malaking tulong umano dahil hindi na kailangang pumunta sa ibang probinsya para makahingi ng orihinal na kopya ng mga dokumento mula sa PSA.
Sinabi ng PSA na magpapatupad sila ng CRS online appointments system sa Odiongan kaya kailangang may appointment sa appointment.psa.gov.ph ang sinumang pupunta sa CRS outlet.
Libre ang appointment booking online.
Matatagpuan ang outlet sa Kadbayan Building sa Barangay Dapawan.


























