Opisyal nang binuksan noong February 15 para sa publiko ang Civil Registration Services (CRS) outlet ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Pinangunahan ni PSA Mimaropa regional director Leni R. Rioflorido ang pagbubukas sa nasabing outlet na puwedeng kunan ng mga orihinal na dokumento mula sa ahensya gaya ng birth certificates.
Maliban sa birth certificates, puwedeng mag-request rito ng mga kopya ng marriage certificate, at death certificate, cenomar, cenodeath.
Sinabi ni Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng PSA Romblon, na kauna-unahan ito sa probinsya at malaking tulong umano dahil hindi na kailangang pumunta sa ibang probinsya ng mga Romblomanon para makahingi ng orihinal na kopya ng mga dokumento mula sa PSA.
Kailangan lamang umanong magpa-book sa CRS online appointments system bago pumunta sa outlet. Libre ang appointment booking online.
Matatagpuan ang outlet sa Kadbayan Building sa Barangay Dapawan.